NBI doctors sinimulan nang turuan ng UN forensic expert
MANILA, Philippines — Nag-umpisa na ang pagtuturo ukol sa forensic pathology sa mga doktor ng National Bureau of Investigation (NBI) ni United Nations forensic expert Dr. Morris Tidball-Binz na inimbitahan sa bansa ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
Ayon kay NBI spokesperson Atty. Giselle Garcia-Dumlao na nagkaroon na ng unang diskusyon ang kanilang mga doktor kay Dr. Tidball-Binz.
“The NBI had a focused discussion with forensic expert Morris Tidball-Binz this afternoon (February 8) on how to enhance our forensic and investigative capacity,” ayon kay Dumlao.
Matatandaan na inimbitahan ni Remulla si Dr. Tidball- Binz sa bansa para magsagawa ng “capacity-building mission” noong Nobyembre 13, 2022, nang magkita sila sa Geneva sa ginanap na Universal Peer Review ng United Nations Human Rights Council.
Si Dr. Tidball-Binz ay isa ring UN Special Rapporteur ngunit nilinaw ni Remulla na ang kaniyang pagbisita sa Pilipinas ay ukol lamang sa forensic education sa mga doktor, pulis, at prosecutors at walang kinalaman sa ‘extra-judicial killings’.
Sinabi rin ni Dumlao na hiningi na ni Remulla sa kanila na magsumite ng listahan ng mga medical doctors at mga impormasyon nila para sumailalim sa pagsasanay ni Dr. Tidball-Binz.
- Latest