Malaysian-Chinese national, arestado sa P10 milyong ketamine
MANILA, Philippines — Dinakip ng mga awtoridad ang isang Malaysian-Chinese national nang makumpiskahan ng tinatayang aabot sa P10 milyong halaga ng ketamine sa isang controlled delivery operation sa Pasig City, kamakalawa.
Ang suspek ay nakilalang si Thai Lian Shiong, 24, nanunuluyan sa isang condo building sa Emerald St., kanto ng Julia Vargas, sa Ortigas, Pasig City.
Batay sa ulat, Martes ng gabi nang maaresto ang suspek matapos na i-claim ang dalawang kilo ng ketamine na nagkakahalaga ng P10 milyon, sa isinagawang controlled delivery operation sa kanyang tahanan ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Pampanga, Clark International Airport Drug Inter-Agency Task Group, Bureau of Customs- Port of Clark, PDEA NCR, PDEA CALABARZON, NBI CELRO, NBI Pampanga at Pasig City Police.
Nabatid na ang mga ilegal na kontrabando, na nakapangalan sa suspek, ay nagmula sa Malaysia at dumating sa Port of Clark noong Enero 28, 2023.
Nadiskubre naman ng mga otoridad na ang laman ng pakete ay mga ketamine na nakalagay sa 24 na piraso ng transparent plastic pouch at nakatago sa loob ng tatlong acupoint massage twister.
Dahil dito, kaagad na ikinasa ng mga otoridad ang isang controlled delivery operation at inaresto ang suspek nang tanggapin ang pakete.
Ang suspek ay nakapiit na ngayon sa jail facility ng PDEA Region III at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa piskalya.
- Latest