Traffic enforcer, arestado sa robbery extortion
MANILA, Philippines — Timbog ang isang traffic enforcer makaraang kotongan ang magkasintahan sa Quezon City.
Nakilala ang nadakip na traffic enforcer na si Ronnie Campomanes Santos, 27, ng Brgy. Kaligayahan, Quezon City.
Inaresto ito base sa reklamo ng biktimang si Marek Abraham Moens, 20, Dutch National, at residente ng Camella Meadows,ng Bilibiran, Binangonan, Rizal.
Nauna rito, dakong ala-1:00 ng madaling araw kamakalawa ay sakay ng kanyang Honda TMX motorcycle si Moens, angkas ang kanyang nobyang si Lucylle Bianca Cawaling, at binabagtas ang Quirino Hi-way, sa Brgy. Novaliches, nang pagsapit sa kanto ng Gen. Luis St., ay bigla na lang silang parahin ng suspek at sinita dahil sa paglabag sa “no entry-one way”.
Hiningian umano ng suspek ng P2,000 si Moens na katumbas ng halaga para sa kanilang traffic violation, na kaagad namang ibinigay nito.
Nang makuha ang pera ay kaagad na umanong pinayagan ng suspek ang magnobyo na umalis ngunit hindi sila inisyuhan ng Traffic Violation Receipt (TVR).
Dumiretso naman ang magkasintahan sa PS-4 ang ini-report ang pangyayari, na nagresulta sa pagkakaaresto kay Santos, at pagkabawi ng perang ibinigay sa kanya ng mga biktima.
Ang suspek nasa kustodiya na ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) para sa kaukulang imbestigasyon at disposisyon.
- Latest