P131 milyong smuggled frozen foods, nadiskubre ng BOC
MANILA, Philippines — Nadiskubre ng Bureau of Customs (BOC) ang may P131.9 milyong halaga ng smuggled frozen goods sa mga containers na dumating sa Manila International Container Port (MICP) kamakailan.
Nabatid na ang tatlong containers, na naka-consigned sa Victory JM Enterprise OPC, ay sumailalim sa masusing physical examination noong Lunes, matapos na makatanggap ang Customs Intelligence and Investigation Service-MICP ng derogatory information hinggil sa misdeclared items sa mga naturang shipments na mula sa China.
Ang total estimated na halaga ng naturang frozen goods na natuklasan sa mga containers ay aabot sa P131,902,500.
“We will file the appropriate criminal charges against the consignees as soon as the proper paperwork is done. We need to apply the fullest extent of the law against these groups. They have been making a mockery of our laws and the agency itself for believing that their modus will work every single time,” ayon kay Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz.
Nabatid na idineklara ng consignees ang shipments na naglalaman lamang ng frozen prawn balls ngunit matapos na suriin, nakadiskubre ang mga Customs agents ng frozen meat, garlic short rib, at smoked duck breast sa mga containers.
Ipinagmalaki naman ni Customs Deputy Commissioner retired Maj. Gen. Juvymax Uy ang naturang operasyon.
Samantala, kinilala naman ni CIIS Director Jeoffrey Tacio ang aniya’y hindi matatawarang kontribusyon ng lahat sa operasyon, kabilang ang Department of Agriculture (DA).
Ang Victory JM Enterprise OPC ay posibleng maharap sa mga kasong paglabag sa Sec. 1400 (misdeclaration in goods declaration) in relation to Sec. 1113 (property subject to seizure and forfeiture) ng CMTA.
Inirekomenda na rin ng examiners ang paglalabas ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) sa shipment.
- Latest