Pulis-Maynila nakapatay ng traffic enforcer, sinibak ng PLEB
Sibak sa serbisyo ang isang pulis-Maynila matapos mapatay ang isang Quezon City traffic enforcer noong Oktubre 13, 2022.
Sa anim na pahinang desisyon ng People’s Law Enforcement Board (PLEB) ng Quezon City, ang sinibak ay si P/Lt. Felixberto Tiquil dahil sa kasong grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer.
Ang kaso ay isinampa nina Charilyn Pagsibigan at Paul Timothy Delos Reyes laban kay Tiquil.
Binaril ni Tiquil ang traffic enforcer na si Edgar Abad Follero.
Nabatid na tinulungan ni Follero si Delos Reyes at isang kaibigan na Lalamove driver na itulak ang nagkaaberyang motorsiklo sa Pandacan, Manila.
Gamit ang sariling motor ni Follero, itinulak nito ang nagkaaberyang motor ni Delos Reyes para makauwi na sana.
Pagdating sa Roosevelt, Quezon City, huminto sina Follero at Delos Reyes para pulutin ang nahulog na motorcycle fairings.
Bigla namang dumating si Tiquil at binaril ng dalawang beses sa katawan si Follero.
Tinangka pa ni Follero na tumakbo sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya pero hindi na umabot.
Paliwanag ni Tiquil, kaya niya binaril si Follero sa pag-aakalang carnapper pero hindi ito pinaniwalaan ng PLEB QC.
“We do not buy the alibi of Tiquil that he shot Follero because of self defense. He claims to be a seasoned police officer, and yet at the slightest instance, his first instinct is to inflict a mortal wound against an innocent person,” pahayag ni Atty. Rafael Calinisan, Executive Officer ng PLEB.
“Ngayon, mabilis naresolba ng PLEB ang kaso at tanggal na sa serbisyo ang pulis na ito. Wala siyang karapatang maging alagad ng batas dahil sa ginawa nya sa asawa ko,” pahayag ni Pagsibigan.
Sinabi naman ni Mayor Joy Belmonte na dapat na nagsilbing babala sa mga abusadong pulis ang kaso ni Tiquil.
“The resolution of this case is a triumph for justice. In less than 60 days from the filing of the complaint, the PLEB was able to resolve this matter with utmost impartiality and dispatch. The wheels of justice run fast here in Quezon City, without fear or favor. I again commend the PLEB QC for their prompt action in helping out the ‘little one’ in need,” dagdag pa ng alkalde.
- Latest