Quezon Memorial Circle, ‘child labor-free zone’ na
MANILA, Philippines — Bilang selebrasyon sa National Children’s Month, inianunsiyo kahapon ng Quezon City government na ang Quezon Memorial Circle (QMC) ay isa na ngayong “child labor-free zone”.
Sa kanyang State of the City’s Children Report na ginanap sa QMC, ginawaran ni City Mayor Joy Belmonte ng Seal of Child Labor-Free Zone ang QMC matapos na ang lahat ng tenants, guwardiya, hardinero at admin staff nito ay sumailalim sa ekstensibong pagsasanay para sa Child Rights and Child Labor 101.
“Lahat ng establisimyento rito, walang ilegal na batang empleyado. At binuo nila ang kanilang Child Protection Policy upang agarang matugunan ang anumang report o insidente ng child exploitation,” pagtiyak pa ni Belmonte.
Ayon sa alkalde, karapat-dapat lamang na pagkalooban ang QMC ng naturang pagkilala dahil nagsilbi rin ito bilang venue, kung saan idinaos ang Global March Against Child Labor noong Enero 17, 1998.
“This is the historic site where our local intention to end child labor ignited a worldwide conviction that is now being shared by the nations of the world,” ani Belmonte.
Bilang bahagi naman ng pagsusumikap ng pamahalaan na tuluyan nang matuldukan ang child labor, sinabi ni Belmonte na itinatag niya ang Quezon City Inter-Agency Task Force for the Special Protection of Street Children and Child Laborers o Task Force Sampaguita.
“Ang Task Force Sampaguita, kung saan ako mismo ang chairperson, ang bumubuo ng komprehensibong plano, hindi lamang para masagip ang mga biktima, gaya ng mga batang sampaguita vendors, na madalas nating makita sa mga peligrosong lugar, kundi tutukan din ang mga sanhi ng mga ganitong kondisyon, sa pamamagitan ng pagsusuri sa sitwasyon ng kanilang mga pamilya,” ani Belmonte.
Nabatid na hanggang noong Setyembre, nasa 685 indibidwal na, kabilang ang 296 child workers, ang nasagip ng Task Force Sampaguita.
Nagsagawa na rin ang city government ng extensive profiling upang matukoy ang child labor situation sa lungsod, kung saan nadiskubre nito na nasa 5,449 batang lalaki at 4,773 batang babae ang biktima ng child labor.
Upang matugunan naman ang mental health problems sa mga bata, sinabi ni Belmonte na inaprubahan na ng city council ang Mental Health Code kung saan ang first responders ng lungsod, gaya ng barangay employees, mga guro at non-teaching staff ay sinasanay upang masolusyunan ang mga unang senyales ng mental health problems sa mga estudyante.
Nasa P9.4 milyon naman ang inilaan para sa pagbubukas ng Bahay Kalinga, na isang residential facility para sa mga batang nangangailangan ng special protection, sa Barangay N.S. Amoranto.
- Latest