LRT-1 tigil biyahe sa Disymebre 3-4
MANILA, Philippines — Inianunsiyo kahapon ng Light Rail Manila Corp. (LRMC) na ititigil muna nila ang pagbiyahe ng mga tren ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) sa Disyembre 3, Sabado, at Disyembre 4, Linggo,
Sa abiso ng LRMC, na siyang private operator ng LRT-1, pansamantalang sususpindihin ang operasyon ng rail line sa susunod na weekend upang bigyang-daan ang reintegrasyon ng LRT-1 Roosevelt Station sa 19 pa nitong operational stations mula Baclaran, sa Parañaque City hanggang sa Balintawak sa Quezon City.
Ayon sa LRMC, magsasagawa sila ng readiness tests, trial runs, at exercises sa linya ng LRT-1 upang ma-check kung maayos ang integrasyon ng Roosevelt area sa ilalim ng bagong Alstom signaling system.
Sa sandaling matiyak na katanggap-tanggap ang resulta ng isasagawa nilang operational exercises sa linya, target ng LRMC na maibalik ang commercial operation ng LRT-1 mula Baclaran Station hanggang LRT-1 Roosevelt Station sa Disyembre 5, Lunes.
Kaugnay nito, pinayuhan naman ni LRMC chief operating officer Rolando Paulino III ang kanilang mga parokyano na planuhin na ang kanilang biyahe para sa susunod na weekend at manatiling nakatutok sa mga updates sa pagbabalik ng kanilang operasyon.
Tiniyak din niya na ang pansamantalang inconvenience na kanilang mararanasan ay magreresulta naman sa mas mahabang benepisyo para sa mga commuters.
“We assure the public that once reopening is confirmed, LRMC is ready to serve our LRT-1 passengers adding Roosevelt Station to our existing operational stations,” aniya pa.
Una nang isinara ang Roosevelt Station simula noong Setyembre 5, 2020 dahil sa konstruksiyon ng Common Station na idurugtong doon.
Ang Common Station o Unified Grand Central Station (UGCS), ay ang proyekto ng gobyerno na naglalayong ikonekta sa isa’t isa ang mga sistema ng LRT-1, Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3), at Line 7 (MRT-7) para mapadali ang paglipat ng mga commuters sa mga naturang rail lines.
- Latest