Miyembro ng MTPB kinuyog sa clearing operations
MANILA, Philippines — Pinagtulungang gulpihin ng nasa limang indibidwal ang isang miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ng Manila City Hall na nagsasagawa ng road at sidewalk clearing operations sa Sampaloc, Maynila kahapon ng umaga.
Masuwerteng nakasuot ng motorcycle helmet ang biktima na si Marjo Armada, 53, kaya’t hindi napuruhan nang paghahampasin ng bato at pagsusuntukin ng mga suspect.
Sa impormasyon mula sa MTPB, nagkasa sila ng maagang operasyon laban sa mga walang disiplinang nakaparadang mga habal-habal, kuliglig, tricycle, pedicab at kariton sa may Geronimo Street sakop ng Brgy 432 Sampaloc.
Nahatak na ng mga enforcers ang ilang mga behikulo nang biglang lusubin ng isang grupo ng kalalakihan si Armada. Naawat lamang ang panggugulpi kay Armada nang dumating ang iba niyang mga kasamahan at mga tauhan ng Manila Police District.
Ayon kay Sampaloc Police Station Chief Lt Col Wilson Villaruel, sasampahan ng direct assault ang mga matutukoy na sangkot sa pag-atake sa tauhan ng MTPB.
Matagal na umanong pumapalag sa clearing operations ng MTPB ang mga nag-iiwan ng pedicab, kariton at maging sasakyan sa lugar na nagreresulta ng pagsikip ng kalsada at wala nang madaanan ang publiko.
Nagreklamo na rin ang mga kinatawan ng Ospital ng Sampaloc dahil sa maging ang harapan ng kanilang establisimento ay walang pakundangan na ring pinaparadahan ng mga ‘pasaway’ na may-ari ng mga sasakyan.
- Latest