Oras ng operasyon ng malls, binago - MMDA
Mula 11am hanggang 11pm
MANILA, Philippines — Tuluyan nang binago ang oras ng operasyon sa mga shopping malls sa Metro Manila nang itakda ito mula alas-11 ng umaga hanggang alas-11 ng gabi, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ito ang napagkasunduan ng MMDA at mga mall owners at operators na mag-uumpisa sa Nobyembre 14, 2022 at magtatapos hanggang Enero 6, 2023.
“Starting November 14, malls in NCR will operate from 11am to 11pm instead of their usual operating hours. We have to implement remedial measures to reduce traffic congestion,”ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Romando Artes.
Sinabi ni Artes na sinadya nilang hilingin sa mga mall owners at operators ang adjustment sa operating hours ng mga malls dahil sa inaasahang mas mabigat na trapiko ngayong Christmas season lalo na at nagluwag na sa protocols sa COVID-19 ang gobyerno.
Samantala, isasagawa na lamang ang mga mall sales ng weekends habang ang mga delivery ng mga produkto ay itatakda ng alas-11 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw na lamang para hindi makadagdag sa bigat ng trapiko.
“Exempted from the regulation are deliveries of perishable goods, restaurants serving breakfast, and groceries,” saad ni Artes.
Pinagsusumite rin ng MMDA ang mga mall operators ng kani-kanilang “traffic management plans” at kung kailan sila magsasagawa ng mall sales at promotional events dalawang linggo bago ang iskedyul nito para mapaghandaan din ang pagtulong ng ahensya sa trapiko.
- Latest