P35.4 milyong jackpot ng GrandLotto, nasolo ng taga-Leyte!
MANILA, Philippines — Solong napanalunan ng isang taga-Leyte ang tumataginting na P35.4 milyong jackpot prize ng GrandLotto 6/55 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kamakalawa ng gabi.
Ayon sa PCSO, matagumpay na nahulaan ng lucky bettor ang six-digit winning combination na 44-50-07-52-46-36 ng GrandLotto 6/55 kaya’t naiuwi nito ang katumbas na jackpot prize na P35,410,477.80.
Nabili ng mapalad na mananaya ang kanyang lucky ticket sa Tacloban City, Leyte.
Pinayuhan naman ng PCSO ang lucky winner na upang makuha ang kanyang premyo ay magtungo lamang sa punong tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City at iprisinta ang kanyang lucky ticket at dalawang balidong identification card (ID).
Samantala, mayroon din namang limang mananaya ang nakapag-uwi ng tig-P100,000 second prize para sa kanilang nahulaang tiglimang tamang numero.
Ang GrandLotto 6/55 ay binobola tuwing Lunes, Miyerkules at Sabado.
Kaugnay nito, muling hinikayat ni PCSO Vice Chairperson at General Manager Melquiades ‘Mel’ Robles ang publiko na patuloy na tangkilikin ang kanilang mga palaro, partikular na ang lotto, upang sa halagang P20 lamang ay magkaroon na ng pagkakataong maging susunod na milyonaryo, at makatulong pa sa kawanggawa.
- Latest