EPD, dumepensa sa ‘pagbisita’ sa media personalities
MANILA, Philippines — Idinepensa ng pamunuan ng Eastern Police District (EPD) ang ginawang pagbisita ng ilang tauhan nila sa tahanan ng ilang media personalities sa kanilang nasasakupan, kasunod na rin nang naganap na pananambang at pagpatay sa beteranong broadcaster na si Percy Lapid sa Las Piñas City kamakailan.
Sa isang pahayag kahapon, nilinaw ng EPD, na siyang nakakasakop sa mga lungsod ng Marikina, Pasig, Mandaluyong, at San Juan, na ang kanilang ginawa ay pagpapakita lamang ng magandang intensiyon at tunay na malasakit sa mga mamamahayag.
Ayon sa EPD, na nasa ilalim ng pamumuno ni acting Director PCOL Wilson Asueta, palagi nilang itinataguyod ang pinakamataas na pamantayan ng serbisyo publiko, sa pamamagitan nang pagpapatupad ng mandato nito na paglingkuran at protektahan ang mga mamamayan nang walang takot o pabor.
Nauna rito, nagpahayag ng pagkaalarma ang ilang media practitioner sa ginawa ng mga nakasibilyang pulis na bumisita sa kanilang tahanan.
Kabilang na rito si JP Soriano ng GMA-7 at radio commentator na si David Oro.
Sa kanyang Twitter account, sinabi ni Soriano na isang pulis na nakasibilyan lamang, ang nagpunta sa kanyang bahay at sinabing nais lamang nitong i-check ang kanyang security.
Ipinaliwanag ni Soriano na na-appreciate naman niya ang intensiyon ng pulis ngunit kinuwestiyon kung bakit kailangang dalawin siya nito sa kanyang bahay at kinuhanan pa siya ng larawan.
Sa panig naman ni Oro ikinuwento nito na dinalaw rin umano siya ng dalawang pulis, na naka-sibilyan at lulan ng unmarked vehicle sa kanyang tahanan sa Quezon City. Nagkataon naman umanong wala siya sa bahay kaya’t ang kanyang katulong ang nakausap ng mga ito. Tinanong umano ng mga pulis ang katulong kung anong oras siya umuuwi nang hindi man lamang ibinigay ang kanilang mga pangalan at contact numbers.
Samantala, mariing kinondena ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ang naturang isinagawang home visits ng mga pulis.
Ayon sa NUJP, makakadagdag lamang sa anxiety o pagkabalisa ng mga mamamahayag ang ginawa ng mga pulis dahil ginawa ito ng walang koordinasyon sa newsrooms.
Tiniyak naman umano ni DILG Secretary Benjamin Abalos Jr. kay Soriano na kaagad niyang paiimbestigahan ang naturang isyu.
- Latest