4 holdaper ng Indian nationals, huli
MANILA, Philippines — Apat na lalaking suspek sa panghoholdap sa mga Indian nationals ang nasakote ng mga awtoridad kung saan nasamsam sa mga ito ang ilang baril at mga bala sa isang follow-up operation, sa Quezon City noong Biyernes.
Nakilala ang mga nadakip na suspek na sina Jayruss Calzado, 31; Ninoy Aquino, 39; Carlo Candelaria, 36; at Loreto Candelaria, 56; pawang residente ng Brgy. Payatas, Quezon City.
Dakong alas-4:00 ng hapon nang maaresto ang mga suspek sa San Pedro St., Brgy. Payatas, Quezon City.
Ilan sa naging biktima ng grupo sina Beant Singh Sran at Gurpyar Singh na noon ay naniningil ng pautang sa San Miguel St., Brgy. Payatas, Quezon City, nang bigla na lang harangin at tutukan ng baril ng mga suspek.
Nasa P18,000 ang nakuha sa mga biktima at pagkatapos nito’y mabilis na tumakas ang mga suspect.
Ayon sa pulisya, nagtungo rin sa presinto ang isang Julius Caesar Garcia at positibong kinilala ang mga suspek na siya ring nangholdap sa kanyang meat shop noong Setyembre 22, 2022.
Nagreklamo rin sina Harwinder Singh at Bhupinder Singh Dhalinal laban sa mga suspek at sinabing ang mga ito rin ang nangholdap sa kanila noong Setyembre 22, 2022 sa Bicol St., Brgy. Payatas, Quezon City.
Narekober mula sa mga suspek ang isang improvised firearm, apat na replica firearms, dalawang wallet, apat na cellular phones, apat na helmet, ID na nakapangalan kay Bhupinder Singh Dhaliwal, at isang asul na Honda TMX.
Ang mga suspek ay nakapiit na at sasampahan ng mga kasong Robbery, Theft, at paglabag sa Republic Act 10591 o The Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.
- Latest