‘Rat to Cash Program’, inilunsad sa Marikina
MANILA, Philippines — Muling inilunsad ng Marikina City Government kahapon ang kanilang ‘Rat to Cash Program’, bilang bahagi nang pagsusumikap ng pamahalaan na maiwasan pa ang pagkalat ng mga sakit na dala ng daga, gaya ng leptospirosis.
Ayon sa City Environmental Management Office (MECO), ang programa ay idaraos nila mula Setyembre 14 hanggang Setyembre 16 lamang.
Sa ilalim ng programa, maaaring dalhin ng mga residente ang mga mahuhuling daga, buhay man o patay, sa CEMO compound na matatagpuan sa Gil Fernando Avenue, Brgy. Sto. Nino, Marikina City mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-4:00 ng hapon.
Ang mga patay na daga ay maaaring ilagay sa plastic bag at container na mahigpit ang pagkakasara habang ang mga buhay na daga naman na nasa mouse trap ay dapat ding ilagay sa plastic bag o kaya ay sa sako.
Ang mga ito ay susuriin at titimbangin ng mga tauhan ng CEMO at babayaran depende sa laki at dami ng mga ito
Gayunman, ngayong taon, ang mga residente na makakahuli ng daga ay babayaran ng P200 kahit gaano man kalaki ang mahuli nilang daga.
Tanging mga rehistradong residente lamang naman ng lungsod ang kuwalipikadong lumahok sa programa.
Kailangan umano ng mga ito na magdala ng balidong ID kung magsusurender ng nahuling daga.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro, ang “Rat to Cash Program” ay unang inilunsad noong taong 2020 at taun-taon nang isinasagawa ngayon ng pamahalaang lungsod.
Layunin nitong masugpo ang pagkalat ng leptospirosis sa lungsod, na nakukuha mula sa ihi ng daga.
- Latest