Malawakang pagbaha sa Metro Manila, naitala; coding, suspindido
MANILA, Philippines — Nakapagtala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng malawakang pagbaha sa ilang lugar sa Metro Manila kahapon bunsod ng pananalasa ng bagyong Florita.
Kaugnay nito, sinuspinde rin ng MMDA ang implementasyon ng number coding scheme kahapon matapos ang suspensiyon ng Malacañang sa klase at trabaho sa rehiyon at mga kalapit na lalawigan.
“In view of the suspension of work and classes by Malacañang and due to heavy rains, the number coding scheme is suspended [Tuesday and Wednesday,]” anang MMDA.
Anang ahensiya, kabilang sa mga lugar na nakaranas ng mga pagbaha ay ang ilang lugar sa Quezon City.
Nakapagtala rin umano sila ng gutter-deep flooding sa EDSA Dario Bridge Northbound lane hanggang alas-12:00 ng tanghali
Binaha rin ang Commonwealth Tandang Sora patungong Elliptical, Commonwealth Dona Carmen, Commonwealth Regalado at maging ang EDSA Aurora tunnel southbound.
Nakaranas din ng pagbaha sa Sgt. Rivera gayundin sa Araneta Victory Liner at iba pang mga lugar.
Alas-12:39 ng tanghali nang umakyat sa 12 pulgada ang baha sa may interseksyon ng Sgt. Rivera at A. Bonifacio, ngunit nadaraanan pa rin naman ng mga behikulo.
Ala-1:59 nang tumaas din ang baha sa may Araneta Victory ng hanggang gutter deep (8 inches).
Dahil din sa lakas ng agos sa Ilog Pasig, sinuspinde rin kahapon ng MMDA ang operasyon ng Pasig River Ferry Service.
Sa Maynila, sinabi ng Information Office nito na wala silang namonitor na pagbabaha sa siyudad maging sa mga lugar na regular na nilulubog ng baha.
- Latest