Waiver bago refund sa nagsarang Colegio de San Lorenzo, pinuna
MANILA, Philippines — Nanawagan ang Quezon City government sa pangasiwaan ng nagsarang Colegio de San Lorenzo (CDSL) na huwag nang kunan ng waiver ang mga magulang bago makakuha ng refund sa tuition at iba pang naibayad sa paaralan.
Ang pahayag ay ginawa ni QC Mayor Joy Belmonte at City Legal Department head City Atty. Orlando Paolo Casimiro nang matanggap ang ulat na inoobliga muna ng paaralan ang mga magulang na pumirma ng waiver bago makakuha ng refund sa paaralan.
“It is not the obligation of the parents to sign a waiver. The school cannot use the waiver as a requirement before they can get a refund,” pahayag ni Mayor Belmonte.
Kaugnay nito, sinabi ni Atty. Casimiro na hindi dapat limitahan ng paaralan ang legal options ng mga magulang ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagpapapirma ng waiver para makakuha ng refund.
“Malaking abala na nga ang ginawa ng CDSL sa kanilang mga estudyante. Sana naman huwag na nilang dagdagan pa ang perwisyo na kanilang idinulot sa pag-obliga sa mga ito na pumirma ng waiver,” dagdag ni Belmonte.
Sapat na umano ang resibo ng pinagbayaran sa paaralan para makakuha ng refund ang mga magulang ng mga mag-aaral.
“Sisiguruhin ng lokal na pamahalaan na lahat ng mga apektado nang biglaang pagsasara na ito ay mabibigyan ng karampatang tulong,” dagdag ni Belmonte.
Sinabi rin ni Casimiro na patuloy na binubusisi ng lokal na pamahalaan ang ibang posibleng paglabag ng paaralan kabilang na ang kawalan ng building permit, umano’y illegal construction at paglabag sa easement ng daluyan ng tubig.
- Latest