Dolomite Beach, ‘wag sisihin sa pagbaha
MANILA, Philippines — Wala umanong kinalaman ang Dolomite Beach sa naging mga pagbaha sa lungsod sa Maynila nitong Lunes ng gabi.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ang naranasang pagbaha ay dulot ng konstruksyon sa pumping station sa Baywalk.
Nabatid pa sa MMDA na tatlong pumping stations at isang pipeline ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang kasalukuyang kinukumpuni ngayon na siyang dahilan ng pagbabaha.
Ito ay ang mga pumping stations sa Padre Faura Drainage, Remedios Drainage at Estero de San Antonio ang mga isinasailalim sa rehabilitasyon.
Ang mga pumping stations at pipelines na ito umano ang solusyon ng pamahalaan para mapababa ang mataas na lebel ng coliform at maisaayos ang kalidad ng tubig sa Manila Bay upang maaari na itong maliguan.
Ang mabagal na paghupa ng baha ay dulot umano ng pag-divert sa tubig sa ilog Pasig sa pamamagitan ng Balete Pumping Station sa halip na dalhin ito ng diretsa sa Manila Bay.
Nakikipag-ugnayan na umano sila ngayon sa DPWH para makapag-operate ng isang mobile pump para madala ang tubig-baha ng direkta sa Manila Bay.
Ilan pa ring mga karatig lungsod sa Metro Manila ang naitala ring naranasan ang mataas na tubig baha dulot nang walang humpay na mga pag-ulan.
- Latest