Pateros LGU nagpataw ng dagdag na bayarin sa ibat-ibang transaksyon
MANILA, Philippines — Nagpataw ng dagdag na bayarin ang munisipyo ng Pateros sa mga transaksyon sa pagkuha ng iba’t-ibang uri ng permit batay sa ipinasang ordinansa.
Ito’y matapos amyendahan ang local revenue code sa pagdaragdag ng computer fees na ipinasa ng Sangguniang Bayan ang Municipal Ordinance 2022-18.
Sa ilalim ng ordinansa na inaprubahan ni Mayor Miguel Ponce III, ang computer fees na P250 ay kokolektahin sa may transaksyon sa business permit at lisensya sa unang taon; P350 sa ikalawang taon; P450 sa ikatlong taon; at P550 sa ika-apat at sa mga susunod pang taon.
Sisingilin naman ng P100 computer fee ang kukuha ng motor tricycle, operator permits, public market registration, local civil registry, engineering module, at building permits tulad ng electrical, plumbing, excavation, architectural, civil and structural sa unang taon. Sa ikalawang taon ay P125; sa ikatlong taon ay P150; sa ika-apat na taon ay P175; P200 sa ikalimang taon; at P225 sa ikalimang taon.
Sa assessment ng real properties, ang computer fees ay mula P75 hanggang P375 sa una at ikalawang taon, depende sa sukat, lawak o bilang ng metro kwadrado; sa ikatlong taon ay P125 hanggang P450; sa ikaapat at ikalimang taon ay P150 hanggang P550; at P200 hanggang P650 sa ikaanim na taon.
Ipinaliwanag ng ordinansa na sa ilalim ng Municipal Resolution 10-2019 na inaprubahan noong Marso 29, 2019, pinahintulutan ng Municipal Council si Ponce na pumasok sa isang public-private partnership para sa computerization ng Business Permit & Licensing Office, Assessor’s Office, Pateros Land Transportation Office, Accounting Office, Treasury Office, Human Resource Management Office, Budget Office, Engineering Office, Purchasing Office, Local Civil Registrar’s Office at General Services Office.
Noong Setyembre 2019, naglabas si Ponce ng sertipikasyon na nagdedeklara sa OneDocument Corp. bilang principal proponent ng proyekto. Ito ang nagbigay sa Municipal Council ng matrix table sa computer fees ng mga transaksyon sa bawat departamento.
- Latest