Babaeng patay sa pamamaril sa QC, droga posibleng dahilan
MANILA, Philippines — Dead on the spot ang inabot ng isang 43-anyos na babae sa Commonwealth Avenue Quezon, City, Linggo ng gabi matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalaking salarin.
Nahirapang makahanap ang mga awtoridad ng mga nakakita sa krimen dahil nangyari ang pamamaril sa kasagsagan ng malakas na ulan.
Sa paunang imbestigasyon, napag-alamang nakatira sa Barangay Santa Monica sa Novaliches ang biktima na ayon sa mga pulis ay sangkot diumano sa bentahan ng illegal na droga at dati na ring nakulong sa kaparehong kaso.
Sa puntong ito, teorya pa lang ang anggulo ng droga, at maraming kaso ng patayan ang naiugnay sa kalakal ng ilegal na droga sa panahon ng "war on drugs" ng pamahalaan.
“Yung mga ganitong incident, tinitignan nga natin kung either nagka-onsehan sa drugs or other anggulo diyan is baka nagbagsak ng ano ito (droga) dito sa ating area,” ani Police Lieutenant Colonel Abraham Abayari, Batasan Police Commander QCPD sa ulat ng Teleradyo.
Nagsasagawa na ng back tracking o pagkuha ng mga CCTV footage sa lugar ang pulisya ukol sa nangyaring pamamaril.
Samantala nasa pulisya na ang cellphone ng biktima na isasailalim sa digital forensics upang makita ang huling naging katransaksyon ng biktima na posibleng magbigay ng lead sa kaso. — Philstar.com intern John Vincent Pagaduan
- Latest