1 patay, 2 sugatan sa pamamaril ng tandem
MANILA, Philippines — Isa ang patay, habang dalawa ang nasugatan nang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Kaagad na binawian ng buhay ang biktimang si Jondel Santiago, alyas Eloy, residente ng Batasan Hills, QC, dahil sa tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Hindi naman kaagad nakuha ang pagkakakilanlan sa dalawang sugatang biktima, na kinabibilangan ng isang babae, na nagtamo ng tama ng bala sa balikat at tuhod, at isang lalaki, na tinamaan naman sa likod.
Samantala, nakatakas at tinutugis na rin ng mga awtoridad ang mga ‘di kilalang suspek na nakatakas matapos ang krimen.
Batay sa ulat ng Batasan Police Station 6 (PS-6) ng Quezon City Police District (QCPD), dakong alas-7:30 ng gabi nang maganap ang krimen sa Kalinisan St., sa Batasan Hills.
Kasalukuyan umanong naglalakad sa lugar si Santiago nang bigla na lang itong lapitan ng dalawang ‘di kilalang suspek na magkaangkas sa motorsiklo.Bumaba umano ang mga suspek sa motorsiklo at saka malapitang pinagbabaril ang biktima bago tumakas.
Nagkataon namang naglalakad rin sa lugar ang dalawa pang biktima kaya’t maging sila ay minalas na tamaan ng bala.
Inaalam pa naman ng mga otoridad kung ano ang motibo ng krimen at sino ang mga taong nasa likod nito.
- Latest