Lalaking sinita sa pag-jingle sa QC todas nang makipagbarilan sa lespu
MANILA, Philippines — Nauwi sa barilan ang pagsita ng Philippine National Police sa isang lalaki sa Quezon City habang umiihi sa kalsada nang walang face mask— bumunot raw kasi bigla ng baril ang suspek, na sinasabing may dalang "nakaw na motorsiklo."
Huwebes ng madaling araw nang mangyari ang insidente sa Brgy. Kristong Hari, ayon sa mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD). Aniya, may isa pa siyang kasama na nakatakas.
"Umiihi, at tska 'yung lugar na ito kahina-hinala. Normally po talagang sisitahin po ng pulis 'yan," wika ng hepe ng QCPD Station 11 na si P/Lt. Honey Besas sa panayam ng News5.
"Nauwi po [sa barilan] 'yan nang bumunot ng baril. 'Yun, nagkaroon po ng encounter."
Sinasabing walang helmet ang nabanggit kahit na may dalang motor, na napag-alamang "nakaw" ayon sa imbestigasyon. Maliban sa nagkalat na mga basyo ng bala, na-recover din ang isang revolver sa crime scene.
Wala pa ring pagkikilanlan ang napatay.
Hindi nagpaunlak ng panayam sa media ang itinuturong biktima ng "motornapper," pero nakuhanan ng detalye ng pulisya.
"Habang nasa Brgy. Santol siya [noong gabing din 'yon], siya po ay hinarang ng dalawang suspek po. Tinutukan ng baril, pinalo pa po," sabi pa ni Besas.
Patuloy pa ring tinutugis ang kasama ng nasawi. — James Relativo
- Latest