Miyembro ng criminal group, timbog
MANILA, Philippines — Arestado ang isang itinuturong miyembro ng ‘Utto Robbery-Holdup group’ nang isuplong siya ng mga intelligence asset at masakote sa may Taguig City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nadakip na si Arnold Varias, alyas Noy, 38, ng Brgy. Upper Bicutan, Taguig.
Nakuha dito ang isang identification card na nagsasabing miyembro siya ng isang volunteer group na Police Hotline Movement Inc. bukod pa sa isang kalibre .38 baril at granada.
Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang Taguig City Police Station Intelligence Section mula sa kanilang Barangay Information Network (BIN) na aatake ang mga miyembro ng ‘Utto group’ sa A. Bonifacio Street, Brgy. Upper Bicutan.
Dito nagkasa ang mga pulis ng operasyon at natimbog si Varias dakong alas-6 ng gabi. Bukod sa baril at granada, kinumpiska rin ang sinasakyan niyang Nmax type scooter, PHMI ID, at driver’s license.
Nahaharap ngayon ang suspek sa patung-patong na mga kasong paglabag sa RA 10591 (Illegal Possession of Firearm and Ammunitions); RA 9516 (Illegal Possession of Explosive (Fragmentation Hand Grenade) at Omnibus Election Code sa Taguig City Prosecutors Office.
- Latest