Nagwaging party-lists ipoproklama sa Mayo 25
MANILA, Philippines — Posibleng iproklama na ng Commission on Elections (Comelec) sa susunod na linggo ang mga nanalong party-list groups sa muling pagko-convene ng National Board of Canvassers (NBOC).
Sinabi ni Comelec Spokesperson John Rex Laudiangco, na ang proklamasyon ay kapag natapos na ang special elections sa Lanao del Sur at kung hindi na makakaapekto sa bilangan ang mga certificate of canvass mula sa Shanghai sa China.
Muling ipinaliwanag ni Laudiangco na ang nasa 685,643 na boto sa Lanao del Sur at ang 1,991 votes naman sa Shanghai ay malaki pa rin ang epekto sa ranking o pagkakasunod-sunod ng mga party-list groups.
Samantala, dahil hanggang sa susunod na linggo na lamang ang kontrata ng Comelec na tumatayong National Board of Canvassers (NBOC) sa Forum Tent sa Philippine International Convention Center (PICC) ay pinag-uusapan na nila kung lilipat sila ng venue ng proklamasyon.
Hindi umano ito kakayanin ng Palacio del Gobernador dahil kailangan ng maluwag na espasyo sa proklamasyon at upang maipatupad pa rin ang ‘minimum health standards.’
Unang itinakda nitong Mayo 19 ang proklamasyon ng mga nagwaging party-list groups ngunit naudlot dahil sa special elections sa Lanao del Sur at ang hindi pa naisasagawa na eleksyon sa Shanghai.
- Latest