Dayuhan itinumba sa Pasay
MANILA, Philippines — Patay ang 60-anyos na banyagang negosyante matapos barilin sa ulo ng isang vendor na umaming inutusan siya kapalit ng P100K sa Pasay City, Huwebes ng gabi.
Kinilala ni Pasay City Police Station commander, P/Colonel Cesar Paday-os, ang biktimang si Hossain Anwar, Bangladesh national at may-ari ng DMD boutique na matatagpuan sa Taft Avenue, Pasay City.
Arestado naman ang suspek na si Salik Ditual, 24, residente ng Don Carlos St., Pasay City.
Naganap ang pamamaril alas- 8:45 ng gabi kamakalawa sa Taf Avenue, Pasay City.
Nakatayo umano ang biktima sa lugar nang lapitan ni Ditual at paputukan sa ulo ng isang beses bago tumakas sa direksiyon ng Lions Road.
Sa follow-up operation ng Pasay City Police Sub-station 3, nadakip ang suspek sa P. Celle St., Brgy. 75, Pasay City. Narekober sa kanya ang isang 9mm kalibreng baril.
Sa inisyal na imbestigasyon, umamin ang suspek na isang alyas “Rajav” ang nagbayad sa kaniya ng nasabing halaga para patayin ang dayuhang negosyante.
Nagsasagawa pa ng malalimang imbestigasyon ang pulisya upang matukoy ang motibo at matunton ang itinuturong nasa likod ng krimen.
- Latest