Wanted na karnaper, timbog sa Navotas
MANILA, Philippines — Nabitag ng mga operatiba ng pulisya ang isang wanted na miyembro ng carnapping gang sa isinagawang operasyon sa Navotas City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni Navotas Police Chief P/ Col. Dexter Ollaging ang naarestong wanted na si Larry Sebastian, 52, ng S. Policarpio St., Brgy. San Jose ng lungsod na ito.
Ayon kay Col. Ollaging, dakong alas-3:05 ng hapon nang magsagawa ng joint manhunt operation ang mga tauhan ng Navotas City Police Warrant and Subpoena Section at Sub Station 3 laban sa suspect.
Nasakote ang suspect matapos naman itong umuwi sa kanilang bahay
Una rito isinailalim ng mga operatiba sa masusing surveillance operation ang lugar matapos makatanggap ng impormasyon na uuwi dito ang suspect.
Inaresto si Sebastian sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Judge Angel Colet ng Rwgional Trial Court (RTC) Branch 53, Manila kaugnay ng kasong paglabag sa RA 6539 (Anti-Carnapping Law).
Humihimas na ng rehas na bakal ang akusado sa Navotas Police Station habang hinihintay ang issuance ng commitment order kung saan ito permanenteng ipipiit.
- Latest