115th Founding Anniversary ng Las Piñas, ipagdiriwang ngayon
MANILA, Philippines — Gugunitain ngayong araw (Marso 26) ang ika-115th anibersaryo nang pagkatatag at ika-25 taon ng pagiging lungsod ng Las Piñas City.
Iniulat ni Las Piñas Mayor Imelda Aguilar kasabay sa selebrasyon ng cityhood at founding anniversary, na nasa 91% nang nakumpleto ang vaccination at booster shots sa lungsod sa paglulunsad ng “Bayanihan Bakunahan” sa 20 barangay na nasasakupan.
Masigasig aniya, ang City Health Office (CHO) sa pagbabakuna kabilang ang patuloy pa ring pagsasagawa ng house-to-house vaccination.
Binanggit pa ng mayora na inilunsad din nila ang “Vaxx to School’ para mabigyan ng bakuna ang mga estudyante, bilang paghahanda sa face-to-face classes.
Kabilang pa sa programa ng lungsod ang suporta sa pagpapaospital sa mga residente na nagkakahalaga ng P30,000 sa pamamagitan ng pag-iisyu ng “green card” sa ilalim ng programang pangkalusugan.
Sinabi ni Mayor Aguilar na ang pamahalaang lungsod, sa pamamagitan ng Public Employment Service Office (PESO), ay nagsagawa ng job fair kung saan mahigit 182 aplikante ang natanggap kaagad.
Sinabi ni Aguilar na ilang mga imprastraktura ang nag-rehabilitate ng Las Piñas sa isa sa mga maunlad na lungsod sa National Capital Region (NCR).
- Latest