3 drug suspects, timbog sa P387.6 milyong shabu
MANILA, Philippines — Tatlong drug suspects ang inaresto ng mga awtoridad sa isang buy-bust operation kung saan nasamsam sa kanila ang nasa 57 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P387.6 milyon na isinagawa sa isang gasolinahan sa Quezon City, kahapon.
Nakilala ang mga suspect na sina Gibbrael Arcega, 32; Mikkael Arcega, 29; at Ramil Ramos, 39.
Nabatid na si Ramos ay nasugatan matapos na makipagbarilan sa mga pulis habang sumuko naman ang kanyang mga kasamahan.
Batay sa ulat, dakong alas-10:30 ng umaga nang maaresto ng mga tauhan ng Philippine National Police - Drug Enforcement Group (PNP-DEG), sa isang buy-bust na ikinasa sa gas station sa Mindanao Avenue, sa lungsod.
Narekober mula sa mga suspek ang 57 kilo ng hinihinalang shabu na nakabalot sa mga berdeng bag, boodle money na ginamit sa operasyon, Nissan Urvan at kalibre .45 baril na kargado ng magazine.
Ang mga suspek ay pawang nakapiit na at nakatakdang sampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest