‘Love scam’ balik na rin sa pagbubukas ng borders
MANILA, Philippines — Nagpaalala kahapon si Bureau of Immigration Commissioner Jaime Morente sa inaasahang pagbabalik na rin ng mga ‘love scammers’ na sinasamantala ang pagnanais ng mga Filipino na makapagrelasyon sa mga dayuhan, sa pagbubukas ngayon ng borders ng Pilipinas.
Ito ay makaraan na makatanggap ang BI ng kahilingan sa isang biktima nitong nakaraang Miyerkules, na nagsabi na hinuli ang kaniyang partner ng mga opisyal ng Davao international airport.
Ipinakita ng biktima ang mga ‘screenshot’ ng usapan niya sa isang lalaki na nagpanggap na si Morente, na nanghihingi ng bayad para mapalaya ang kaniyang partner. Ayon sa scammer, hinold umano ang kaniyang partner dahil sa pagpapasok sa bansa ng malaking halaga ng salapi sa kaniyang handcarry bag.
“This scammer had the audacity to use my name for his scheme. It is not within our jurisdiction to check bags of arriving passengers. We are concerned with the person and their documents, and not his luggage,” paglilinaw ni Morente.
Nang kanilang imbestigahan ang insidente, lumalabas na wala namang dayuhan na dumating sa Davao airport.
Isa sa modus ng sindikato ang makipagkilala sa mga Pilipino na kadalasan ay babae.
Liligawan sila nito sa pagpapadala ng maliliit na regalo at pangako na pakakasalan at ititira sa ibang bansa.
Dito sasabihan ng scammer na pupunta siya ng Pilipinas para makipagkita at dito rin isasagawa ang modus na kunwari ay na-hold ng immigration sa airport dahil sa bitbit na pera.
- Latest