P1 temporary fare hike, apela ng jeepney group
MANILA, Philippines — Nanawagan kahapon ang Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) sa pamahalaan na payagan silang pansamantalang dagdagan ng P1 ang minimum fare sa passenger jeepneys.
Ito’y habang dinidinig pa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kanilang petisyon na madagdagan ng P5 ang pasahe sa jeep.
Ayon kay FEJODAP president Ricardo “Boy” Rebaño, kailangan nila ng agarang aksiyon mula sa pamahalaan upang mabawasan ang labis na paghihirap na kanilang dinaranas sa ngayon kasunod nang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
“Hirap na hirap na po talaga. Ang sabi nga ng iba gusto na nila tumigil sa paghahanapbuhay dahil nga po dito sa mga pangyayaring ito. Masyado naman kaming nasasamantala ng mga malalaking kompanya. Pinagsasamantalahan kami dahil dito sa giyera sa Ukraine at Russia at wala namang ginagawa ang pamahalaan para kami ay tulungan,” pahayag pa ni Rebaño.
Sinabi ni Rebaño na ang naturang temporary P1 fare increase na direktang mapupunta sa mga jeepney drivers ay magiging malaking tulong sa kanila at sa kanilang pamilya. Hinikayat din naman niya ang lahat ng gasoline stations na pagkalooban sila ng P2 discount.
Una nang sinabi ng LTFRB na ang fuel subsidy budget para sa public utility vehicle (PUV) operators at drivers ay hindi pa nailalabas. Wala pa ring katiyakan kung kailan ang eksaktong petsa ng payout nito.
- Latest