Gumuhong bahay sa San Juan, ipinaaayos sa condo developer
MANILA, Philippines — Inatasan na ng lokal na pamahalaan ng San Juan City ang developer ng condominium tower na ibalik sa orihinal nitong estado ang gumuhong bahay na katabi ng kanilang proyekto.
Ayon kay Atty. Glenn Abellon, ang city legal officer ng San Juan, ipinag-utos nila sa developer na ibalik sa dating estado ng lupa ang gumuhong bahagi nito.
“We ordered them to bring back the properties to its original state. So while we’re conducting the investigation a while ago, we were informed by the developer that they have already stock piled, at least 40 dump trucks na,” ani Abellon.
Sinabi pa ni Abellon na nagkasundo na rin ang developer at ang may-ari ng gumuhong bahay na babayaran ang nasirang bahagi ng property.
Hinanapan na rin daw ang may-ari ng bahay ng pansamantalang matitirhan at lugar kung saan pwedeng itago muna ang kanilang mga gamit.
Wala na rin munang nagaganap na paghuhukay sa construction site.
Matatandaang gumuho noong Lunes ng hapon ang bahagi ng bahay sa tabi ng ginagawang 15-storey condominium sa kanto ng Mariano Marcos at V. Cruz St., sa Brgy. Maytunas dahil may bahagi umano sa ilalim ng lupa na naglalabas ng tubig.
Ayon kay Ryan Seguerra, Brgy. Executive Officer sa lugar, kasama ng bahay na gumuho ang isang nakaparadang kotse sa lugar. Noong Martes, nagpulong ang developer, ang may-ari ng bahay at ang city engineers at legal officer ng San Juan City hinggil dito.
Nabatid na bago pa man itayo sa lugar ang condominium building ay tutol na sila dito.
Naglagay pa umano sila ng tarpaulin na may nakasulat ng kanilang pagtutol sa pagtatayo ng high-rise building.
- Latest