‘Scripted’ na road rage incident, binubusisi ng Marikina police
MANILA, Philippines — Tiniyak ng Marikina City Police na masusi na nilang iniimbestigahan ang umano’y ‘scripted’ na video ng isang road rage incident sa River Park, Marikina City na nag-viral sa social media nitong Martes.
Nauna rito, isang video ng umano’y road rage incident ang nag-viral sa Facebook kung saan makikita ang isang kotse na hinahabol ng mga riders at pinatitigil ito matapos umanong masangkot sa hit-and-run.
Sinita ng mga riders ang driver ng sasakyan at pinapababa upang papanagutin sa pagkakabangga umano sa isang lalaki.
Nauwi ang insidente sa mainitang pagtatalo ng mga ito hanggang sa maglabas ng baril ang driver ng sasakyan at binaril ang isa sa mga rider habang tumakbo naman ang lalaking kumukuha ng video. Ipinakita rin sa video na nakahandusay na ang binaril na rider habang tumakas naman ang driver na bumaril sa kanya. Sa isang pahayag, sinabi naman ni Marikina City Police chief, PCOL Benliner Capili, na nang makarating sa kanila ang ulat ay kaagad nila itong inimbestigahan.
Base aniya sa kanilang inisyal na imbestigasyon, ito’y ‘scripted’ lamang at isang ‘social media experiment’ kaya’t hindi ito naiulat sa kanilang tanggapan.
Tiniyak naman niya na kung kakailanganin ay pananagutin at sasampahan nila ng kasong kriminal ang mga taong nagpakalat ng naturang video.
“As of now, we are conducting thorough investigation to determine its facts and circumstances. If warranted, appropriated criminal charges will be filed against those responsible in the maliciously fabricated video that caused misinformation to the public thereby putting the authority into bad light,” aniya pa.
- Latest