‘Robotics’, therapy sa mga paralisado sa Maynila
MANILA, Philippines — May malaking pag-asa na makakilos muli nang maayos ang mga pasyente na may problemang pisikal makaraang ilunsad kahapon ang Physical Therapy and Rehabilitation Medicine and Robotics Center sa Sta. Ana Hospital sa Maynila.
“Lagi tayong maghahanap ng tunay na solusyon at mabilis na aksyon para sa ating mga kababayan. So, with the help, especially of AI (Artificial Intelligence) or in this case, robot, mas madaling makaka-recover ‘yung mga kababayan natin,” ayon kay Manila City Mayor Isko Moreno nang pangunahan niya ang pagbubukas ng naturang programa.
Tampok dito ang Hybrid Assistive Limb (HAL) na pinaaandar gamit ang ‘advanced robotic rehabilitation technology’. Ito ang una at natatanging ‘robotic exoskeleton’ na tinuturuan ang utak at ‘limbs’ ng pasyente para makalakad muli.
Sinabi ni Sta. Ana Hospital Director Dr. Grace Padilla na ang ‘robotic exhaust skeletal device’ ay matutulungan ang pasyente na may ‘neurological issues’ tulad ng mga na-stroke, nagkaroon ng aksidente sa ulo, may pinsala sa ‘spinal cord’, may trauma sa utak, at iba pang isyu sa ‘neuro-muscular system’ na nagdudulot ng panghihina at pagkaparalisado ng mga bahagi ng katawan.
Sa pamamagitan ng HAL, natutukoy nito ang mahihina na ‘bio-electric signals’ sa ibabaw ng bala na nagsasaad ng intensyon ng pasyente na gumalaw. Sa pamamagitan ng mga signal na ito, maitatama ng physical therapist’ ang settings ng robot suit para mapalakas ang signals at matulungan na kumilos ang pasyente.
Pinakamaganda umano sa programa ay libre ito at inaasahan na matutulungan ang mga Manilenyo na may pinsal sa spinal cord, may Parkinson’s disease, stroke, at iba pang problema sa paggalaw.
- Latest