3 AFP officers pinagbabato, namaril: 6 sugatan
MANILA, Philippines — Anim katao kabilang ang 3 menor-de-edad ang sugatan nang paputukan ng tatlong opisyal ng Armed Forces of the Philippine (AFP) na umano’y pinagbabato sa isinagawang Christmas party sa Taguig City.
Ang mga sugatan ay nakilalang sina Edsel Hecita Polo, 28; JD Umbaro Navales, 24; John Carl Marca Sabino,18; at 3 minors na may edad 17, 16 at 14.
Inaresto naman ang mga opisyal ng militar na sina Army Captain Nheiljay Maguddayao Garcia, 31; Probationary 2LT Felomino Maguddayao Garcia, 30; at 1LT Minalyn Awat Ladyong, 29.
Ayon kay PNP Chief Gen. Diornardo Carlos, naganap ang insidente sa Brgy. Pinagsama, Taguig City kamakalawa ng gabi.
Nagki-Christmas party ang mga suspek nang batuhin ng grupo ng mga kalalakihan na kinabibilangan ng mga biktima.
Ikinagalit ito ng mga sundalo na diumano’y naglabas ng M-16 rifle at nagpaputok sa direksyon ng mga makukulit na nambabato.
Agad namang dinala sa ospital ang anim na biktima.
Dinakip naman ng mga otoridad ang tatlong mga opisyal na nakapiit ngayon sa Taguig City police station.
Sinabi ni Carlos na nakikipag-ugnayan ang PNP sa military kaugnay ng insidente.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa naganap na insidente. — Ludy Bermudo
- Latest