Senglot na contact tracer, inireklamo sa pagwawala
MANILA, Philippines — Isang lasing na contact tracer ang dinakip matapos umanong manipa ng motorsiklo ng isang traffic enforcer, magwala at maghamon pa ng away sa Brgy. Caniogan, Pasig City kamakalawa ng gabi.
Patung-patong na kasong alarms and scandal, malicious mischief, disobedience to person of authority at resisting arrest ang kakaharapin ng suspek na si Manuel Yambao, 47, residente ng 9C Kawilihan St., Brgy. Caniogan.
Si Yambao ay inaresto batay sa reklamo ng complainant na si Jason San Diego, 30, Pasig Traffic Enforcer, ng Brgy. Rosario, Pasig City.
Lumilitaw sa ulat ng Pasig City Police, dakong alas-7:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa Dr. Sixto Avenue, malapit sa Villa Susana, sa Brgy. Caniogan.
Nauna rito, ipinarada umano ni San Diego ang kanyang motorsiklo, na isang kulay pulang Yamaha sa naturang lugar.
Maya-maya umano ay dumating ang suspek na lasing na lasing, at walang dahilang bigla na lang sinipa at hinampas ang harapang bahagi ng motorsiklo.
Nagwala at nagsisigaw rin umano ang suspek at hinahamon ng away ang lahat ng mga taong nasa lugar. Maya-maya ay bumalik na umano ang suspek sa kanyang electric bike at umalis.
Isang concerned citizen naman na nakasaksi sa pangyayari ang kaagad na nagsumbong sa mga awtoridad, na mabilis na rumesponde at inaresto ang suspek.
- Latest