NCRPO nagbabala sa paggamit ng mga recovered vehicles, wang wang
MANILA, Philippines — Nagbabala si National Capital Regional Police Office chief, Major Gen. Vicente Danao, Jr. sa mga pulis na gumagamit ng wang wang, blinkers at mga recovered evidence.
Ayon kay Danao, mahigpit na ipinagbabawal ang mga ganitong gawain kaya naman winawarningan niya ang mga pulis na sumasalisi at gumagamit ng mga ito para sa kanilang personal na interes.
Ayon pa sa NCRPO chief na agad niyang ipasisibak ang sinumang pulis na mahuhuling gumagamit ng mga ito alinsunod na rin sa kautusan ni PNP chief Gen. Dionardo Carlos.
Paliwanag ni Danao, dapat na magsilbing ehemplo ang mga pulis sa publiko upang maibalik ang tiwala at respesto.
Ginagamit lamang ang mga wang wang at blinkers sa mga emergency, habang ipiniprisinta naman sa korte ang mga recovered evidence kabilang na dyan ang mga recovered vehicles.
Naunang ipinag-utos ni Carlos sa PNP Highway Patrol Group (HPG) na tugisin ang mga motorista maging law enforcement officers na gagamit ng sirens, blinkers at iba pang gadgets para sa walang kabuluhan.
“This is the very foundation of public service and one of the most definite ways to regain the trust and confidence of the citizenry to their police,” dagdag ni Danao.
- Latest