17, 932 informal settler families nagka-bahay sa Quezon City
MANILA, Philippines — Nasa 17,932 ‘informal settler families’ (ISFs) na ang nabiyayaan ng disenteng tirahan sa ilalim ng ‘socialized housing program’ ng pamahalaang lungsod ng Quezon City sa unang tatlong taon pa lamang ng panunungkulan ni Mayor Joy Belmonte.
Ito ang inihayag ni Ramon Asper, hepe ng Housing Community Development and Resettlement Department (HCDRD),
Sa isinagawang ‘turn-over’ ceremony ng bagong tayo na three-storey row houses sa may Sito Sto. Cristo sa may Barangay Balingasa sinabi ni Asper na 45 pamilya ng ISF ang nabigyan ng maayos na tirahan na may sukat na 21 square meter (sq.m.) at nagkakahalaga lamang ng P450,000 na maaaring bayaran sa loob ng 25 taon.
“Dapat, dalawa pang gusali ng row houses ang susunod na itatayo, ngunit nakaisip ng magandang paraan ang butihin nating Mayor na gawing 12-storey building na lamang ang ipatayo sa natitirang espasyo ng lugar, upang marami pang pamilya ng ISF ang mabibigyan ng tirahan,” ani Asper.
“Maari na rin natin patirahin ang natitirang 149 ISFs na dati ay nakatira sa lugar at pababalikin hindi na sa kanilang barung-barong kung di sa maganda at maayos ng tirahan,” ang sabi ni Asper.
Kabuuang 17,932 na mga ISF na ang nabigyan na ng maayos na mga tirahan sa 26 na ‘parcels of land’ na sumailalim sa mga proseso gaya ng direktang pagbili ng lungsod, negosasyon, tinayuan ng gusali, o kaya ay nasa ilalim ng National Housing Authority Relocation Program, kabilang na ang tinatawag na ‘in-city’ socialized housing projects simula pa noong 2019 na karamihan ay naibigay na sa mga natukoy na mga ISF. Kailangan lamang na residente ng QC at mahihirap upang maging benepisyaryo ng socialized housing program.
Ang programang pabahay ay naka-akibat at pangalawa sa “14 point agenda ni Mayor Belmonte.
- Latest