Pulis Valenzuela, nakapatay sa binatilyong may autism sibak na sa serbisyo
MANILA, Philippines — Tuluyan nang sinibak sa serbisyo ang pulis na nakabaril at nakapatay sa isang teenager na may special needs sa isinagawang anti-illegal gambling operation noong Mayo sa Valenzuela City.
Ayon kay Eleazar, sibak na sa serbisyo si Senior Master Sergeant Christopher Salcedo matapos pag-aralan at suriin ng Office of the Chief PNP at Discipline, Law and Order Division- Directorate for Personnel and Records Management (DLOD-DPRM) ang rekomendasyon ng Internal Affairs Service (IAS).
Kinasuhan si Salcedo ng grave misconduct at less grave irregularity in the performance of duty.
Batay sa record, si Salcedo ay sinampahan ng kasong administratibo dahil sa pagkamatay ni Erwin Arnigo, 18, sa isang operation sa tupadahan sa Valenzuela City noong Mayo 23.
Paliwanag ni Eleazar, ilan sa mga bagay na kinonsidera ay ang paglabag ni Salcedo sa Police Operational Procedure dahil sa pagdakip kay Arnigo na hindi kasama sa tupadahan at binaril sa kabila ng pagkakaroon ng special needs.
- Latest