Pagbabakuna sa lahat ng nasa closed at long-term care facilities, inutos ni Mayor Joy
MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Quezon City Ma-yor Joy Belmonte sa City Health Department (CHD) na bakunahan ang lahat ng indibiduwal na naninirahan at nagtatrabaho sa mga closed at long-term care facilities sa lungsod katulad ng ampunan, home care facilities, apostolate centers at rehabilitation centers.
Ang hakbang ay ginawa ni Mayor Belmonte nang iulat ni Dr. Rolando Cruz, hepe ng City Epidemiology and Disease Surveillance Unit (QCESU) na sa 13 closed facilities na na-survey, mayroon itong 1,027 empleyado at mga kliyente kung saan 594 dito ay hindi pa nababakunahan ng first dose.
Sinabi ni Cruz na patuloy ang ugnayan niya sa naturang mga pasilidad para agad maisagawa ang pagbabakuna rito.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni Mayor Belmonte ang patuloy na pagkakaloob ng ayuda ng lokal na pamahalaan sa lahat ng closed at long term facilities na naka-lockdown para makontrol ang infection at hawaan ng virus sa pasilidad.
Nagpaabot din ng pakikiramay si Mayor Belmonte sa mga naulila ng mga madre sa RVM facility na namatay dahil sa COVID-19.
Inatasan din ni Belmonte ang Department of the Building Official, Department of the City Architect, at City Engineering Department na magpalabas ng guidelines para makaiwas ang ganitong mga pasilidad at magkaroon ng maayos ng bentilasyon para sa kalusugan ng mga nakatira doon.
Anya sa pamamagitan ng hakbang ay maaayos ang mga gusali at maiiwasan ang paglaganap ng anumang sakit lalo na ng COVID.
- Latest