16 dawit sa cybersex, credit card phishing scam, arestado
MANILA, Philippines — Nasa 16 na indibiduwal, na sinasabing sangkot umano sa cybersex activities at credit card phishing scam, ang inaresto ng mga tauhan ng Optical Media Board (OMB) sa Quezon City kamakalawa ng gabi.
Ang mga inarestong suspek ay kinabibilangan ng anim na babae at 10 lalaki, na hindi na muna pinangalanan.
Batay sa ulat, kamakalawa nang maaresto ang mga suspek sa isang maliit na opisina na matatagpuan sa Tandang Sora, Quezon City.
Nagkukunwari umano ang mga ito na isang call center ang kanilang pinagtatrabahuhan upang itago ang kanilang ilegal na aktibidad.
May nakapag-tip naman sa mga tauhan ng OMB hinggil dito kaya’t kaagad sinalakay ng mga ahente ng OMB-Enforcement and Investigation Division ang kanilang tanggapan na nagresulta sa kanilang pagkakaaresto.
Kinumpiska rin ng mga awtoridad ang mga computers na hinihinalang ginagamit nila sa kanilang ilegal na gawain upang magamit na ebidensiya sa gagawing pagsasampa ng kaso sa kanila.
- Latest