Pulis na nakabaril sa binatilyong may autism, suspendido ng 40-araw
MANILA, Philippines — Suspendido ng 40 araw ang pulis na nakabaril sa isang 18-anyos na may autism nang magsagawa ng operasyon kontra-tupada ang mga pulis nitong Mayo sa Caloocan City.
Sa rekomendasyon ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS), 40 araw ang suspensyon ni P/Senior Master Sergeant Christopher Salcedo, isa sa apat na pulis na sangkot sa pagbaril kay Erwin Arnigo na may autism spectrum disorder.
Nitong Linggo, inirekomenda ng Internal Affairs Service (IAS) ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapataw ng parusang 40 araw ng suspensyon kay Salcedo.
Batay sa rekord, nakipag-agawan umano ng baril ang biktima sa mga pulis, pero iba ang kuwento ng pamilya Arnigo.
Paliwanag naman IAS Inspector General Alfegar Triambulo, 60 araw suspension dapat ang parusa kay Salcedo, subalit ibinaba ito sa 40 -araw dahil sa mga parangal na natanggap ni Salcedo sa serbisyo.
Samantala, hindi naman nagustuhan ni Helen Arnigo, ina ni Erwin ang rekomendasyon ng PNP IAS. Aniya, dapat na isinaalang-alang ni Salcedo ang kondisyon ng kanyang anak
“Hindi ako makatulog nang maayos tsaka ‘yung mga kapatid niya, dahil hangga’t hindi pa nakulong ‘yung pulis na ‘yun, anong malay namin baka bigla na lang kaming pagbabarilin dito dahil nakalabas naman talaga ‘yun,” ani Helen.
Nanawagan si Helen kay PNP chief Guillermo Eleazar ng sapat na parusa kay Salcedo para sa nakapatay sa kanyang anak.
- Latest