Mag-Live in huli sa buy-bust
MANILA, Philippines — Naaresto ng mga awtoridad ang isang mag-live in partner sa isinagawang drug buy-bust operation sa Brgy. Rosario, Pasig City, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Pasig City Police chief, P/Col Roman Arugay, ang mga naarestong suspek ay nakilalang sina Jersam Victoriano, 44, at ang kanyang live-in partner na si Blessy Dizon, 24.
Nabatid na si Dizon ay mayroon ding nakabinbing warrant of arrest dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na inisyu ni Hon. Judge Ermin Ernest Louie R. Miguel, ng Pasig Regional Trial Court (RTC) Branch 265, at may katapat na piyansang P200,000.
Batay sa ulat ng Pasig City Police, nabatid na dakong alas-7:19 ng gabi nang maaresto ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), Sub-Station 7, Special Reaction Unit (SRU) at District Special Operations Unit (DSOU) ang mga suspek sa isang buy-bust operation sa Santan St., Jabson Site, Brgy. Rosario.
Nauna rito, nakatanggap ng tip ang mga awtoridad hinggil sa ilegal na aktibidad ng mag-live-in partner kaya’t kaagad na nagkasa ng buy-bust operation laban sa mga ito.
Nang magpositibo ang transaksiyon ay kaagad na silang dinakip ng mga awtoridad.
Nakumpiska sa mga ito ang dalawang pakete ng hinihinalang shabu na may 25 gramo ang timbang at may standard drug price na P170, 000 at buy-bust money.
Samantala, si Dizon naman ay nakuhanan ng isang pakete ng hinihinalang shabu na may timbang na 0.10 gramo. Ang mga suspek ay kapwa nakapiit na at sasampahan ng kaukulang kaso sa piskalya.
- Latest