Quarantine pass, ipatutupad ulit sa Metro Manila
MANILA, Philippines — Nakatakdang ipatupad muli ng mga local government units (LGUs) sa Metro Manila ang paggamit ng quarantine pass (QPass) ng mga residente na nais na lumabas ng kanilang tahanan.
Ito’y dahil sa muling pagpapairal sa rehiyon ng enhanced community quarantine (ECQ) simula Agosto 6 hanggang 20 bunsod na rin nang pagtaas pa ng COVID-19 cases nitong mga nakalipas na araw, gayundin sa banta nang pagkalat pa ng Delta variant nito.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, pinayuhan na nila ang mga LGUs na muling ipatupad ang rules sa quarantine passes.
“Naabisuhan na ang DILG ng mga LGUs na ibabalik nila ‘yung mga quarantine passes para maging maayos ‘yung paglabas ng ating mga kababayan para magpabakuna, para pumunta sa tindahan para bumili ng pagkain, o kaya naman pumunta sa pharmacy para bumili ng gamot,” ani Malaya, sa Laging Handa press briefing.
Gayunman, sina Metro Manila Council (MMC) chairman at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benjamin Abalos aniya ang nakatakdang magsagawa ng pormal na anunsiyo hinggil dito.
- Latest