5 pasyente ng Delta variant sa Maynila, ligtas na
MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ni Manila Mayor Isko Moreno na may limang kaso ng Delta variant sa lungsod subalit nasa ligtas nang kalagayan ang mga pasyente.
Sa kabila ng pagkakaroon ng limang kaso ng Delta variant, wala pa sa plano na magkaroon ng lockdown sa lungsod dahil may tatlong linggo na ang nakalipas bagama’t ang impormasyon ay kahapon lang ipinabatid kay Moreno sa pulong ng Metro mayors, Metro Manila Development Authority (MMDA) at health authorities.
Ang mga pasyente ng Delta variant ay nagmula sa Sampaloc, Parola, Gagalangin (Tondo), Apacible Street sa Ermita at Taft Avenue.
Aniya, naiulat na sa kaniya ni Manila Health Department head, Dr. Poks Pangan na negatibo naman ang mga kapamilya ng mga pasyente sa virus at nakarekober na ang mga nagpositibo.
“Ibig sabihin, ang cycle threshold value ‘pag below 20 kailangan ipadala sa genome. Kapag 20 up, regular SARS-COV2. Pero either way, pareho lang ng epekto na puwede kayo malagay sa bingit kung nakuha mo ay variant. They are all deadly dahil walang cure,” paliwanag ni Moreno.
Sa kabila nito, sinabi ng alkalde na wala siyang planong magpatupad ng lockdown dahil ayaw niyang magutom ang mga residente kasabay ng pakiusap na maging responsable na lamang at magpabakuna.
- Latest