Empleyado ng Makati City hall, huli sa kotong
MANILA, Philippines — Arestado ang 30-anyos na empleyado ng Makati City Hall sa pangongotong ng P160,000 kada buwan sa isang banyaga na nagmamay-ari ng isang bar at lodging inn na may closure order, sa Makati City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Colonel Harold Depositar ang suspek na si John Rey Villarino, nakatalaga sa Public Safety Department ng Makati City Hall at residente ng Eureka St., Barangay La Paz, Makati City.
Sa ulat, dakong alas-6:15 ng gabi ng Hulyo 22, 2021 nang arestuhin ang suspek sa loob ng Howzat Inn na matatagpuan sa Kalayaan Avenue corner Fermina St., Brgy. Poblacion, Makati.
Base ito sa reklamong inihain ni Jonathan Dean Thorp. 58, British national at residente ng Kalayaan Avenue, Brgy. Poblacion, Makati, na nagsabing ang suspek ay una nang nanghingi ng halagang P10,000.00 sa kaniyang kabigang si Shane Reid, kasosyo sa negosyo, noong Hulyo 4, 2021 na kapalit umano ng pag-aalis ng closure order sa pinatatakbo nilang Heineken Bar at Howzat Inn, na matatagpuan sa Kalayaan Avenue corner Fermina St., Brgy. Poblacion.
“He promised that I together with my friends who owns and do business like restaurants here at Brgy. Poblacion can continue and re-open establishments in exchange of P100,000 per month,” saad sa reklamo ni Thorp.
Nitong Huwebes ang nakatakdang pagbabalik umano ng suspek para kolektahin ang hinihi-nging P80,000.00 para sa muling pagbubukas ng Heineken Bar at P80,000 sa muling pagbubukas ng Howzat Inn kay Thorp.
Sa pangunguna ni P/Lt. Sherwin Limbauan, ikinasa ang entrapment laban sa suspek kung saan ito nadakip.
- Latest