41 tiklo sa cybersex activity ng 'bogus call centers' sa Batangas, Valenzuela

Litrato ng nasa 41 suspek na naaresto dahil sa diumano'y cybersex activities sa sari-saring lugar sa Valenzuela at Batangas, ika-13 ng Hulyo
Released/Philippine National Police

MANILA, Philippines — Nalambat ng Philippine National Police (PNP) ang mahigit tatlong dosenang suspek sa iba't ibang lokasyon sa Metro Manila at karatig na probinsya matapos matuklasan ang mga iligal na kahalayang nangyayari diumano sa ilang establisyamento.

Sa ulat ni Anti-Cybercrime Group (ACG) director Police Brig. Gen. Robert Rodriguez kay PNP Police chief Gen. Guillermo Eleazar, sinasabing 41 suspek ang naaresto sa ilang lugar sa Lungsod ng Valenzuela at Batangas nitong Martes.

Ang modus operandi ng mga ito: pagkukubli ng cybersex activities ng mga pekeng call center representatives sa Paso de Blas, Valenzuela City, Lipa City, Batangas at Sto. Tomas, Batangas.

"Investigation disclosed that these cybersex syndicates are victimizing LGBT members by offering erotic massage services where they can only avail after paying certain registration fees using credit cards," ani Eleazar, Miyerkules.

Namba-block daw ang mga suspek ng biktima sa online registration matapos makakuha ng hindi bababa sa $50. Nagdi-disguise din ang mga nabanggit bilang nakabase sa Estados Unidos.  

Nangyari ang naturang operasyon halos iswang linggo pa lang nang i-launch ng PNP ang kanilang Project E-ACCESS.

Bistadong online accounts

Ayon sa hepe ng PNP, nakuha nila ang impormasyon sa mga nabanggit na lugar mula sa isang concerned citizen sa pamamagitan ng E-ACCESS (Enhanced, Anti-Cybercrime Campaign, Education, Safety and Security).

Hinihikayat ngayon ni Eleazar ang publiko na tangkilikin ang E-ACCESS para makatulong sa pagsasawata sa cybercrimes at nang maka-iwas na rin mabiktima ng mga cybercriminals.

Ang Cyber Web, na bahagi ng dalawang components ng E-ACCESS, ay nakatukoy na ng 81 online accounts na siyang ginamit daw noon ng cybercriminals. Ang mga nabanggit ay una nang ni-report ng sari-saring biktima sa mga ACG units.

"Thus, this innovation in law enforcement is expected to increase the cybercrime solution efficiency of PNP ACG. The Cybercrime Watch also provides a reporting system if the suspect’s account that has victimized them is not yet encoded in the system for appropriate action," dagdag ni Eleazar.

"We will continue improving this system so we can combat cybercrimes more effectively and better serve the public."

Umaasa ang pulisiya na makatutulong ang bagong kaparaanan ng ACG sa pagpapataas ng efficiency rate cybercrime solution. Plano nitong lumikha ng sentral na database ng mga reklamo na inihahain laban sa mga cybercriminals sa lahat ng 16 regional offices ng unit sa buong Pilipinas. — James Relativo

Show comments