P1.3 milyong shabu nasabat sa tatlong ‘tulak’
MANILA, Philippines — Nagkakahalaga ng P1.3 milyon ang hinihinalang shabu na nakumpiska ng mga tauhan ng Parañaque City Police Station sa tatlong umano’y mga ‘tulak’ na nalambat sa isang buy-bust operations, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga nadakip na sina Mary Anna Villa, alyas Jane, 31; Christina Bungay, 33 at Sohaily Batao, 30.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-2:50 ng Lunes ng hapon nang ikasa ang buy-bust operation ng mga tauhan ng Parañaque City Police Station-Drug Enforcement Unit sa harapan ng isang fastfood restaurant sa Roxas Avenue, Brgy. Baclaran, ng naturang lungsod.
Nasakote ang tatlong suspek makaraang kumagat sila sa pain na iniumang ng isang pulis na nagpanggap na buyer ng droga at mapalibutan ng mga pulis.
Nasabat sa tatlong suspek ang 2 knot tied ice plastic bag at 1 heat sealed medium plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu. Tumitimbang ang nakumpiskang ilegal na droga ng humigi’t kumulang na 200 gramo at may halagang P1,360,000.
Nabawi rin ang pitong boodle money kasama ang isang P1,000 bill na ginamit na marked money sa operasyon.
Dinala na ang nakumpiskang ilegal na droga sa SPD Crime Laboratory para sa pagsusuri habang nakakulong ngayon at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Parañaque City Prosecutor’s Office ang tatlong suspek.
- Latest