Barangay chairman sa Gubat sa Ciudad incident, suspendido ng 60 araw
MANILA, Philippines — Inaprubahan na ng Sangguniang Panglungsod ng Caloocan ang 60 days preventive suspension na inihain laban kay Brgy.171 Chairman Romeo Rivera bunsod ng pagsu-swimming ng nasa 500 katao noong Mother’s Day sa Gubat sa Ciudad Resort.
Kinasuhan si Rivera sa kasong Gross Neglect of Duty o Dereliction of Duty and Conduct Prejudicial to the Service.
Batay sa resolution, bigo si Rivera na ipatupad ang kanyang tungkulin bilang punong barangay nang hindi nito napigilan ang operasyon ng nasabing resort na paglabag sa Inter-Agency Task Force Omnibus Guidelines.
Ipapataw anumang araw mula ngayon ni Caloocan City Mayor Oca Malapitan ang 60 days preventive suspension laban kay Rivera.
Nabatid pa sa resolution na tila wala umanong kamalay- malay si Rivera na nag- o-operate at patuloy ang pagtanggap ng nasabing resort ng mga nais na mag-swimming bagama’t nasa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang lungsod.
Ibinasura rin ni Sangguniang Panglungsod ang katwiran ni Rivera na wala siyang alam na nagbukas ang resort at dahil nagsimba siya kasama ang kanyang pamilya.
Matatandaang nasa 20 katao na mula sa 500 guest sa resort ang natukoy na positibo sa COVID-19.
- Latest