Resort sa Caloocan nagbukas kahit MECQ, ipinasara
MANILA, Philippines — Tuluyan nang ipinasara makaraang bawiin ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan ang business permit ng Gubat Sa Ciudad Resort matapos magbukas at magpapasok ng mga kostumer sa kabila ng pinaiiral na modified enhanced community quarantine (MECQ).
Ayon kay Malapitan, nilabag ng resort ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases guidelines nang magpapasok sa resort kung saan nagkukumpulan at sama-sama sa gitna ng banta ng pandemya ng COVID-19.
Sinabi ni Malapitan, ipinakita ng pamunuan ng Gubat sa Ciudad ang kawalan ng malasakit sa kapwa ng payagang dumagsa ang tao sa resort sa pagdiriwang ng Mother’s Day. Aniya, umaabot sa 150-200 ang dumagsa noong Linggo.
Batay sa record ng BPLO nakarehistro ang resort bilang Gubat sa Ciudad, Inc.
Lumilitaw din na nagkaroon ng komosyon sa lugar nang pagtulungang bugbugin ng dalawang guest sa resort ang cameraman ng TV5 na si Arnel Tugade na kumukuha ng video. Basag ang ilong ni Tugade bukod pa sa mga pasa sa mukha at katawan. Agad namang dumating ang mga tauhan ng Caloocan City Police at pinauwi ang mga pasaway.
Ayon naman kay Brgy. 171 Chairman Romeo Rivera, hindi niya alam na nagbukas ang resort noong Linggo. Aniya, Abril 20 nang sitahin nila ang nagbabantay dito dahil sa pagpapasok ng guest upang mag swimming subalit hindi nila alam na sumasalisi ang mga ito. Handa silang kasuhan ang pamunuan ng Gubat sa Ciudad.
- Latest