Cremation sa Maynila nang nasawi sa COVID-19, libre
MANILA, Philippines — Muling inanunsiyo kahapon ni Manila Mayor Isko Moreno na libre ang cremation ng mga taga-Maynila na nasawi sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Kailangan lamang na magprisinta ng death certificate, identification ng miyembro ng pamilya at dokumento na magpapatibay na COVID-19 ang sanhi ng kamatayan ng bangkay na ipasusunog tulad ng swab tests results na ‘positive’ sa virus.
Layunin nito na mapagaan ang mga pasanin ng mga kaanak na namatayan bunga ng pandemya.
Ang libreng cremation program ay bahagi ng tulong ng lokal na pamahalaan sa mga mahihirap na residente ng Maynila na namatayan ng kaanak dahil sa COVID-19.
Samantala, inihinto muna ng lokal na pamahalaan ang mass vaccination kontra COVID-19 dahil naubos na ang suplay ng bakuna.
Sa kasalukuyan ay umaabot na sa 64,723 ang kabuuang bilang ng mga nabakunahan sa Maynila na nasa A1, A2 at A3 priority groups.
- Latest