Vlogger, inulan ng fake delivery booking
MANILA, Philippines — Ikinugulat ng isang babeng vlogger nang sunud-sunod na delivery ang dumating sa kaniyang bahay.
Sa reklamo ng biktimang si Rosmar Tan sa Manila Police District (MPD), unang dumating ang delivery ng milk tea na nagkakahalaga ng P300 na napilitan niyang bayaran. Ilang minuto lang nang nagdatingan na rin ang delivery ng pizza, chicken, shawarma, at may sex toys pa na binayaran na lang niya upang hindi na rin magalit ang couriers/delivery riders.
Umabot na sa P15,000 umano ang nabayaran ng biktima na sa huli ay natuklasang may ‘fake bookings’ na gumagamit ng kaniyang gmail account.
Isa sa delivery riders ang nagtext sa nag-place ng order at nakatanggap ng reply ang rider na sabihin kay Tan na magbigay ng P5,000 para mahinto na ang mga fake booking.
“Bigla pong may nagpa-pop up sa G-mail ko, meron daw po akong order, G-mail ko po talaga, ibig sabihin parang sa akin po talaga siya naka-address, pati address ko, two-door refrigerator worth nasa P4,000. Eh grabe naman,” anang biktima. Dahil dito, nababala si MPD director, P/Brig General Leo Franciscosa mga gumagawa ng fake booking na maari silang makulong ng hanggang 6 na buwan sakaling matunton at makasuhan.
Ipinalipat na sa Anti-Cybercrime Division ng Philippine National Police ang reklamo para matukoy ang nasa likod ng fake bookings.
- Latest