Buwanang food supply sa 700K mahihirap na pamilya sa Maynila
MANILA, Philippines — Inilunsad ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang programa para sa buwanang ‘food subsidy’ sa may 700,000 mahihirap na pamilya sa lungsod.
Ayon kay Mayor Isko Moreno ang COVID-19 Food Security Program (FSP) ang tugon nila para malabanan ang gutom ngayong umiiral ang pandemya at bagsak pa rin ang ekonomiya.
Ang bawat food subsidy ay binubuo ng tatlong kilo ng bigas, 16 na piraso ng de latang pagkain at walong sachet ng kape. Ipamimigay ito sa tinatayang 700,000 mahihirap na pamilya sa siyudad.
Sinabi pa ng alkalde na naglaan ang lokal na pamahalaan at konseho ng P3 bilyong pondo para sa implementasyon ng programa.
“May mga bagay na hindi na muna natin tutugunan pero ito’y iyong mga bagay na sa tingin kong makapaghihintay dahil naniniwala ako na ang tao ay may kumakalam na sikmura, ang kalsada’y wala. Uunahin na muna natin ang tao sa lungsod ng Maynila,” ayon kay Moreno.
Inilunsad din ang programa dahil sa mga naglabasang ulat na magkakaroon ng “long-term impact” o pangmatagalang epekto ang pandemya kahit na tuluyang mawakasan na ito. Mas mabigat ang epekto nito sa mga mahihirap na pamilya na nawalan ng hanapbuhay at ibang pagkakakitaan dahil sa pagsasara ng maraming negosyo.
- Latest